Masusing sinisiyasat ng awtoridad ang mga computers at iba pang kagamitan na nakumpiska sa isinagawang raid sa cybersex den sa Iloilo City kahapon ng madaling-araw.
ILOILO CITY, Philippines — Arestado ang 17 Chinese national matapos ang isinagawang pagsalakay sa umano’y cybersex den sa Jaro, Iloilo City kahapon ng madaling-araw.
Armado ng search warrant, ni-raid ng Iloilo City Police Office-City Intelligence Unit (ICPO-CIU), PNP Regional Anti-Cybercrime Unit-6 (RACU-6), kasama ang mga tauhan ng Department of Information and Communication Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center, ang isang inuupahang bahay kung saan nakatira ang mga Chinese suspects sa may 6th Street, Lawaan Village ng Barangay Balantang, Jaro district.
Dakong alas-4:10 ng madaling araw nitong Sabado nang lusubin ang lugar dahil sa paglabag sa Section 4 (C) (1) ng Republic Act No. 10175 (The Cybercrime Prevention Act of 2012) o may kaugnayan sa cybersex.
Ayon kay Lt. Col. Antonio Benitez Jr., ICPO-CIU chief, lumalabas na may anim na buwan nang nag-o-operate ang grupo ng mga Tsino subalit namonitor nila ito may isang buwan pa lang ang nakalilipas.
Sa cybersecurity operations, nabatid ng awtoridad na iniimbitahan ang mga babae na pumasok sa nasabing bahay at pagdating doon ay pahahawakin sila ng cellphone saka uutusang pumasok sa mga silid at magsasagawa ng lewd shows para sa mga parokyano ng mga Chinese suspects.
Sinabi ni Benitez na mayroon ding pre-recorded video na maaaring i-play para sa ibang kliyente. Ang mga inuupahang babae ay hindi babayaran ng cash bagkus ay ipinadadala sa kanila ito sa pamamagitan ng mobile wallet.
Advertising
Scroll to continue
Naniniwala naman si Col. Joeresty Coronica, hepe ng Iloilo City Police na ang nasabing grupo ay sangkot din sa online dating at romance scams, identity theft at fraud.
Nabatid na nag-hire rin ang mga suspek ng tatlong Pilipina bilang mga kasambahay at apat na lalaki bilang driver-security personnel subalit limitado ang kanilang mga galaw at bawal silang pumasok sa maraming bahagi sa loob ng nasabing bahay.
Kabilang sa mga nakumpiska sa raid ay ang 28 computer units, 49 cellphones, sim cards at iba’t ibang kagamitan.