Iloilo City Police
MANILA, Philippines — Isang hinihinalang cybersex den ang sinalakay ng mga awtoridad sanhi ng pagkakaaresto ng 17 Chinese national sa Jaro, Iloilo City kahapon ng madaling-araw.
Armado ng search warrant, ni-raid ng Iloilo City Police Office-City Intelligence Unit (ICPO-CIU), PNP Regional Anti-Cybercrime Unit-6 (RACU-6), kasama ang mga tauhan ng Department of Information and Communication Technology at Cybercrime Investigation and Coordinating Center, ang inuupahang bahay ng mga Chinese suspects sa may 6th Street, Lawaan Village ng Brgy. Balantang, Jaro district.
Dakong alas-4:10 ng madaling araw nitong Sabado nang lusubin ang lugar dahil sa paglabag sa Section 4 (C) (1) ng Republic Act No. 10175 (The Cybercrime Prevention Act of 2012) o may kaugnayan sa cybersex.
Ayon kay Lt. Col. Antonio Benitez Jr., ICPO-CIU chief, lumalabas na may anim na buwan nang nag-o-operate ang grupo ng mga Tsino subalit namonitor nila ito may isang buwan pa lang ang nakalilipas.
Ang mga babae ay iniimbitahan na pumasok sa nasabing bahay para magsagawa ng lewd shows sa mga silid para sa mga parokyano. Mayroon ding pre-recorded video na maaaring i-play para sa ibang kliyente.
Naniniwala naman si Col. Joeresty Coronica, hepe ng Iloilo City Police na ang nasabing grupo ay sangkot din sa online dating at romance scams, identity theft at fraud.
Advertising
Scroll to continue
Nakumpiska sa raid ang 28 computer units, 49 cellphones, sim cards at iba pang mga kagamitan.